Kahit pa gustong panatilihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) status sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan, nagpaka -prangka na ito sa talumpati nya kagabi na wala ng pera ang pamahalaan para bigyang ayuda ang mga apektado ng mas mahigpit na quarantine protocols at tigil trabaho.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi na kakayanin pa ng ating ekonomiya kung patuloy itong isasara ng 2 pang linggo.
Ito ay makaraang imungkahi ni dating National Task Force (NTF) Against COVID-19 adviser Dr. Tony Leachon na makakatulong ang 1 buwang MECQ para ma-flatten ang infection curve.
Paliwanag ni Roque, kung kaya ni Dr. Leachon na bigyang ayuda ang lahat ng mga apektado ng tigil trabaho ay baka palawigin pa ang MECQ.
Sa dalawang linggong time out na hiniling ng mga health workers, sinamantala aniya ito ng pamahalaan sa pagpapaigting ng contact tracing, pagtatatag ng mga bagong isolation facilities at exclusive COVID-19 hospital nang sa ganon ay mapababa ang transmission rate ng virus.
Giit pa ng kalihim, sa ngayon kinakailangang ingatan ang buhay sa pamamagitan ng pagsunod sa health safety protocols nang sa ganon ay makapag-hanapbuhay ang lahat.