Palasyo, itinangging binabantaan ang COA hinggil sa paglalabas ng initial report kung paano ginastos ng DOH ang kanilang pondo

Tahasang pinabulaanan ng Malakanyang ang alegasyong binabantaan ‘di umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission on Audit (COA) hinggil sa naging obserbasyon nito sa pondo ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19 response.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, frustrated lamang ang pangulo sa ginawang paninita ng COA sa DOH sa kabila ng mga hakbang nito para labanan ang pandemya.

Una nang sinabi ni Roque na bilang abogado at matagal ng alkalde, batid ni Pangulong Duterte na hindi naman lahat ng obserbasyon ng COA ay napapanatili hanggang makapagsumite ng komento ang kinukwestyong ahensya.


Ibig sabihin, maaari pang mabago ang obserbasyon ng COA kapag natanggap na nito ang paliwanag ng DOH saka ito maglalabas ng final report.

Matatandaang sa ‘Talk to the People’ ng pangulo kagabi, binanatan nito ang COA dahil sa ginawang paninita kung paano ginasta ng DOH ang P67.3B pandemic funds.

Salig sa Article 9 ng ating Konstitusyon may kapangyarihan ang COA na suriin ang bawat pondo ng pamahalaan.

Facebook Comments