Tiniyak ng Palasyo na makakatanggap ng tulong pinansyal ang mga kababayan nating hindi makapagtrabaho dahil sa pinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Iloilo City, Iloilo province, Cagayan de Oro at Gingoog City hanggang Hulyo a-31.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque hindi kinakalimutan ng pangulo ang mga kababayan nating hirap bunsod ng lockdown.
Sinabi pa nito na hindi makapapayag ang Presidente na walang ayudang ipagkakaloob sa mga pinakaapektadong residente.
Bagama’t wala pa aniyang pinal na desisyon hinggil dito ay noon pa man ay polisiya na ni Pangulong Duterte ang pagbibigay ng ayuda kapag nasa ECQ ang isang lugar.
Kapag nasa ilalim kasi ng ECQ ang isang lugar, halos lahat ng negosyo at mga establisyimento ay sarado, dahilan upang mawalan ng hanapbuhay at kita ang mga residente.
Paniniguro pa ng kalihim na hindi bababa sa ibinigay na ayuda sa mga taga Metro Manila noong isinailalim din ang National Capital Rrgion (NCR) sa ECQ noong Abril.
Matatandaang ₱1,000 kada indibidwal o hanggang ₱4,000 ang ipinagkakaloob sa mga pinakaapektadong pamilya.