
Sinagot ng Malacañang ang pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na kumukwestyon sa sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro kaugnay ng papel ng Philippine Embassy sa isang Pilipinong itinuturing na fugitive.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nabaluktot ang isyu matapos kumalat ang lumang larawan ni Roque kasama si Philippine Ambassador Luli Arroyo-Bernas, na kalauna’y napatunayang kuha pa noong 2023.
Malinaw aniya ang kaniyang paliwanag sa kaniyang vlog na walang bagong larawan at walang basehan ang anumang paratang laban sa ambassador.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi katanggap-tanggap para sa isang kinatawan ng Pilipinas ang magkanlong o magtago ng isang fugitive.
Magkaiba aniya ang pagbibigay ng Consular assistance at ang harboring na tahasang pagtulong sa pagtatago ng isang fugitive upang makaiwas sa batas, at hindi ito katulad ng legal na tulong na layong ibalik ang isang Pilipino sa bansa.
Giit ng Palasyo, suportado nito ang pagbibigay ng tulong ng Philippine Embassy upang mapauwi ang isang fugitive at harapin ang mga kaso laban sa kanya alinsunod sa due process at umiiral na batas.










