Paligid ng Bogo Bay Fault, binabantayan ng PNP

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit nitong babantayan ang pagpapatupad ng seguridad at safety perimeter sa paligid ng Bogo Bay Fault sa hilagang Cebu.

Kasunod ito ng rekomendasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na bawal nang magpatayo ng anumang permanenteng istruktura sa loob ng limang metrong radius mula sa fault trace.

Ayon kay acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang mga police unit sa Central Visayas na makipag-ugnayan agad sa mga local disaster risk reduction and management councils at magpatupad ng proactive safety measures.

Kabilang dito ang pagpapakalat ng mobile patrols sa high-risk areas para pigilan ang ilegal na konstruksyon, bantayan ang pagsunod sa safety rules, at tiyakin ang kapayapaan sa lugar.

Ipinag-utos din ang police visibility sa mga apektadong barangay kung saan tuloy ang kanilang ugnayan sa PHIVOLCS at iba pang ahensya ng gobyerno sa community mapping, evacuation planning, at pagpapatupad ng safety measures sa naturang buffer zone.

Facebook Comments