Manila, Philippines – Naniniwala si Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na hindi si Pangulong Rodrigo Duterte ang Pinatutungkulan ni Cardinal Antonio Tagle sa kanyang naging Homily.
Matatandaan na sinabi ni Cardinal Tagle sa kanyang Palm Sunday Homily sa Manila Cathedral na dapat mag-ingat ang lahat sa mga haring arogante na gumagamit ng karahasan para itaguyod ang pamumuno sa mga mahihina.
Ayon kay Panelo, siguradong hindi si Pangulong Duterte ang pinariringgan ni Cardinal Tagle dahil hindi karakter ni Pangulong Duterte ang nabanggit nito.
Paliwanag ni Panelo, hindi pinalalampas ni Pangulong Duterte ang pang-aabuso ng mga pulis at kung may namamatay aniya ay dahil nanlaban ang mga ito.
Binigyang diin pa ni Panelo na matagal nang sinabi ng Pangulo na mananagot ang mga pulis na aabuso kaya hindi si Pangulong Duterte ang pinatutungkulan ni Tagle at marahil mga world leaders ang inilalarawan ng Cardinal.
Sinabi pa ni Panelo na mapagpakumbaba si Pangulong Duterte at ipagtatanggol ang karapatan ng mamamayan na kanyang sinumpaang paglilingkuran.