Aminado ang Palasyo na marami pang kailangang gawin ang pamahalaan para maingat ang pamumuhay ng mga Pilipino.
Reaksyon ito ni acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar sa pinakahuling resulta ng Social Weather Stations survey noong December 2021 na bahagyang bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila ay mahirap.
Ayon kay Andanar, bagama’t maganda itong development, hindi pa rin ito sapat at kailangang tutukan ng administrasyong Duterte ang pagbangon ng ekonomiya para makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Aniya, maraming programa ang gobyerno para maiangat sa hirap ang ating mga kababayan at kabilang na rito ang ilang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino program, social pension para sa mahihirap na senior citizens, kapit bisig laban sa kahirapan – comprehensive and integrated delivery of social services, gayundin ang task force on hunger para sa pagpapatupad ng mga hakbang kontra gutom o paniniguro na sapat na suplay ng pagkain sa bansa.