
Hindi sapat ang P5,000 na fuel subsidy na ipapamahagi ng pamahalaan para sa mga tsuper na apektado ng napakataas na presyo ng produktong petrolyo na epekto ng nagpapatuloy na giyera sa Gitnang Silangan.
Sa panayam ng DZXL-RMN Manila sa ilang jeepney at Transport Network Vehicle Service o TNVS, hindi pa rin makakasabay ang P5,000 sa double digit na oil price hike.
Ayon sa isang TNVS driver, ang ibibigay na fuel subsidy ay para lang sa big time oil price hike noong nakaraang linggo kaya paano naman aniya sa malakihang umento sa petrolyo ngayong linggo.
Aniya, mataas na nga ang presyo ng petrolyo ay mataas pa ang pataw sa kanilang komisyon ng mga TNVS company.
Kaya panawagan nito sa pamahalaan, dagdagan ang ibibigay na fuel subsidy.
Pahayag naman ng isang jeepney driver, dapat ay triplehin ng pamahalaan ang naturang ayuda.
Pagtaya kasi nito ay tatagal pa ang giyera sa middle east at asahan aniya ang mataas na umento sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.
Magtatagal aniya ito hanggat hindi pa natatapos ang giyera sa Middle East.










