Pamahalaan, handang ipaglaban ang legalidad ng ICI sa Korte Suprema —PBBM

Hindi na ikinagulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Pangulong Marcos, inaasahan na ng administrasyon ang ganitong hakbang dahil katatatag pa lamang ng ICI at malaki ang magiging papel nito sa pagbusisi sa mga proyekto ng pamahalaan.

Sa naturang petisyon, tinutuligsa ng petitioner ang umano’y conflict of interest sa pagitan ng ICI at ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na parehong nasa ilalim ng Executive branch at pangunahing saklaw ng imbestigasyon ng komisyon.

Tiniyak ng pangulo na handa ang gobyerno na ipagtanggol ang legalidad ng ICI sa Korte Suprema, sa tulong ng Office of the Solicitor General (OSG).

Muli ring nanindigan ang pangulo na magpapatuloy ang ICI sa mandato nitong tiyaking malinis, tapat, at epektibo ang paggastos ng pondo ng bayan sa mga proyekto ng imprastraktura.

Bago pa man aniya ito itatag, humingi siya ng legal na opinyon mula sa mga eksperto, at lumabas na paborable ang kanilang rekomendasyon.

Facebook Comments