Pamahalaan, maghahanap ng mga bagong laboratoryo para sa returning OFWs habang hindi nababayaran ang utang sa Red Cross

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa walong pribadong laboratoryo para sa pagsasagawa ng COVID-19 tests para sa returning Overseas Filipino Workers (OFWs) hanggang sa mabayaran ang utang sa Philippine Red Cross (PRC).

Ito ang pahayag ng Malacañang matapos sabihin ng Department of Justice (DOJ) na ang pagbabayad sa PRC ay dapat alinsunod sa requirements at pagtalima sa accounting rules at auditing procedures.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagpapahinto ng PRC ng kanilang test na sagot ng PhilHealth ay hindi dahilan para i-antala ang pagbabalik ng mga OFW sa bansa.


Sinabi ni Roque, na babayaran ng pamahalaan ang mga nasabing laboratoryo basta nasusunod ang requirements.

Dagdag pa ni Roque, handa ang Palasyo na bayaran kahit kalahati ng utang nito sa PRC kung tatanggapin nila ito at maipagpatuloy ang testing services.

Nilinaw rin ni Roque na ang advance cash payment ng PhilHealth sa Red Cross ay nangangailangan ng approval mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nabatid na aabot sa ₱931 million ang utang ng PhilHealth sa PRC.

Facebook Comments