Simula sa susunod na linggo, hindi na lamang ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatanggap ng mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang mga kababayan natin na magbabalik sa bansa.
Ayon kay BCDA President and Deputy Chief Implementer of COVID-19 Response Vince Dizon, ide-decentralized na nila ang pagdating ng mga OFWs.
Simula bukas, bubuksan na ang Clark International Airport at sa mga susunod na araw ay bubuksan na rin ang iba pang international gateways upang doon ibaba ang mga returning Filipino migrant workers.
Paliwanag ni Dizon, dahil tumaas na ang testing capacity hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsya, idi-diretso na ang mga OFWs sa kanilang mga lalawigan.
Doon na sila isasailalim sa testing at mandatory quarantine period nang sa ganon ay malapit na sila sa kanilang tahanan at mga pamilya.
Isang paraan din aniya ito upang hindi na maulit muli ang nangyari nitong nakalipas na buwan kung saan natengga sa iba’t-ibang quarantine facilities sa Metro Manila ang mga OFWs na naghihintay na lamang ng resulta ng kanilang PCR test.