Manila, Philippines – Ipinahiwatig ng Palasyo ng Malacañang na hindi na kailangan pa ng mas malaking tulong mula sa Estados Unidos sa paglaban sa banta ng terorismo hindi lamang sa bansa kundi pati na rin sa buong South East Asia Region.
Ito ang sinabi ng Malacañangsa harap narin ng pahayag ng ilang Republican Senators na interesado ang teroristang ISIS sa pagkakaroon ng base sa Southeast Asia kung saan lumalabas na interesado ang Estados Unidos ng Amerika ng mas malaking papel para labanan ang nasabing banta.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, sa ngayon ay kaya pa namang harapin ng bansa ang banta ng terorismo lalo na ang banta nito sa bansa.
Katulong aniya ng Pilipinas ang ibat-ibang bansa sa rehiyon tulad ng Malaysia at Indonesia sa paglaban sa terorismo.
Pero sinabi nito na bukas parin naman ang Pilipinas sa pagtanggap ng tulong mula sa ibang bansa tulad nalang ng pagtanggap ng tulong mula sa Australia kung saan nagpadala ito ng dalawang surveillance plane para palakasin pa ang intelligence gathering sa Marawi City.