Umaasa si Vice President Leni Robredo na maglalabas ng report ang pamahalaan sa kung anong nangyari sa nakalipas na dalawang linggong pagsasailalim sa Metro Manila at mga karatig-probinsya sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay Robredo, sa ngayon ay mahirap makita ang naging epekto ng MECQ dahil hindi real time ang turn around ng report o ang naiuulat na mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw.
Muli rin niyang pinuna ang paiba-ibang protocol ng Department of Health (DOH) sa pag-uulat ng recoveries.
Tinutukoy rito ni Robredo ang pagdedeklarang recovered sa mga mild at asymptomatic cases ng COVID-19 pagkatapos nilang sumailalim sa 14-day quarantine kahit hindi sila na-test na negatibo sa virus.
Dagdag pa ng Bise Presidente, malaking tanong din ay kung nagamit ba nang maayos ang panahon ng MECQ para maka-relax kahit papano ang mga ospital.
Matatandaang ang hakbang na isailalim sa MECQ ang Metro Manila at mga karatig probinsya ay kasunod ng apelang “time-out” ng medical community sa harap ng tumataas na kaso ng sakit.
“Yung pinakaproblema kasi, hindi pa natin nakikita ‘yung effect ng MECQ dahil yung turnaround ng reports ay hindi real time. Yung nakikita natin ngayon na reports, ‘yung iba carry over from July, from first week of August, from few days ago. Kaya mahalaga sana na ‘yung test, readily available, pangalawa ‘yung turnaround time, dapat mabilis,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.
“Mahirap sabihin kung ano ‘yung epekto. Sana malaki kasi malaki ‘yung sakripisyo sa’tin. Sana, sa Tuesday mag-render ng report kung ano yung nangyari nung last 14 days,” dagdag pa niya.