Umapela si Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na palakasin pa ang mga hakbang para sa pagbibigay ng psychological assistance at iba pang suporta para sa mental health ng mga Pilipino.
Ginawa ng senador ang pahayag sa gitna na rin ng epekto ng COVID-19 sa mental health ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan ng publiko na iprayoridad ang mental health ng komunidad sa kabuuan at huwag balewalain ang mga isyu tungkol dito.
Tinukoy ng senador na marami sa mga kababayan ang tinamaan ng depression at anxiety bunsod ng mga naging epekto ng COVID-19 tulad ng pagkawala ng trabaho at pinakamabigat ang mga nawalan ng mahal sa buhay ngayong pandemya.
Ito aniya ang mga dahilan kaya’t marapat na tutukan ng gobyerno ang mga mental health program.
Tiniyak pa ni Go na patuloy niyang isusulong at susuportahan sa Senado ang mental health programs ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo sa mga ito.