*Tuguegarao City, Cagayan– Nakiisa ang mga opisyal at iba’t-ibang tanggapan ng Syudad ng Tuguegarao sa paggunita sa ika isangdaan at dalawampu’t isang taong (121) anibersaryo ng araw ng kasarinlan ng bansa.
Sa naging talumpati Civil Service Commission Regional Director Nerissa Canguilan bilang panauhing pandangal sa nasabing pagdiriwang ay muli nitong binigyang pansin ang ilang mga katangian ng pagiging isang lingkod bayani.
Malaki anya ang ginagampanan ng bawat isa sa lipunan gaya ng pagbibigay malasakit at paglilingkod sa kapwa Pilipino.
Binigyang pagkilala rin nito ang kahusayan ng pagbibigay serbisyo ng pamahalaan.
Bukod dito, nag-alay ng kanilang mga bulaklak sa bantayog ng bayani sa nasabing Lungsod at nagbigay din ng 21 gun salute ang mga kasundaluhan bilang pagkilala sa mga natatanging bayani na nagbuwis ng kanilang buhay upang makamit ang kapayapaan at kalayaan.
Samantala, ang nasabing pagdiriwang ay pinangunahan ng Philippine Information Agency 02 sa pamumuno ni Regional Director Purita Licas.
Inihayag nito na ang araw ng kalayaan ay hindi lamang sumasalamin sa ating nakalipas subalit sumisimbolo ito sa ating pagbibigay pugay sa katapangan ng ating mga bayani.