CAUAYAN CITY – Ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office at Provincial Veterinary Office, ang World Rabies Day.
Sa temang “Breaking Rabies Boundaries,” binigyang-diin ng programa ang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor para tuluyang mapuksa ang rabies sa probinsya.
Ayon kay Sanguniang Panlalawigan Member Emmanuel Joselito B. Añes, ang laban kontra rabies ay para sa mas magandang kinabukasan ng komunidad.
Ipinakita rin sa programa ang dedikasyon ng Isabela sa pampublikong kalusugan, na pinagtibay ng 25 aktibong Animal Bite Treatment Centers katuwang ang mga lokal na komunidad, klinika, maging ang mga paaralan.
Bilang suporta, lumagda ang mga kalahok mula sa iba’t ibang health offices, local government units, at sektor ng lipunan sa isang kasunduan, na nagsasaad ng kanilang pangako na paigtingin ang kampanya laban sa rabies.