Nanawagan si Deputy Speaker at 1PACMAN Partylist Rep. Mikee Romero sa pamahalaan na bilisan ang pamamahagi ng ayuda sa mga magsasaka at mga displaced OFWS.
Ayon kay Romero, sa nakalipas na dalawang linggo ay naging mabagal pa rin ang pamamahagi ng financial aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) dahil isa sa kada sampung magsasaka at isa rin sa kada sampung OFWs ang nabibigyan pa lang ng tulong ng pamahalaan.
Batay aniya sa report na isinumite sa Palasyo ng Malakanyang, sa 591,246 na mga targeted farmer beneficiaries ng Department of Agriculture (DA) na makakatanggap sana ng ₱5,000 financial aid, tanging 53,881 lamang na mga magsasaka ang aktwal na nakatanggap ng ayuda.
Samantala, sa 135,720 OFWs na makakatanggap sana ng ₱10,000 na cash assistance ay nasa 20,500 na OFWs lamang ang nabigyan ng tulong.
Giit ni Romero, aabot lamang sa 10.23% ng pinagsamang bilang ng mga magsasaka at OFWs ang naabutan ng tulong ng pamahalaan.
Tinatayang aabot sa ₱3 billion ang pondo ng gobyerno para sa mga magsasaka habang ₱1.5 billion naman sa mga displaced OFWs.