Pamamahagi ng Cash Assistance sa mga TUPAD Beneficiaries sa Isabela, Pinasalamatan

Cauayan City, Isabela- Pinasalamatan ni Isabela Vice Governor Faustino “Bojie” Dy III ang patuloy na pamamahagi ng financial assistance sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) program ng pamahalaan sa iba’t-ibang bayan sa Lalawigan ng Isabela.

Ayon sa Bise Gobernador, nararamdaman aniya ng mamamayan ang pagmamalasakit ng pamahalaang panlalawigan dahil sa patuloy na ayuda na ibinibigay ng gobyerno.

Pinasalamatan di nito si Secretary Bebot Bello III sa pamumuno sa TUPAD program na malaking tulong para sa mga Isabelino ngayong panahon ng pandemya na dulot ng COVID-19.


Kamakailan, namahagi ng tulong sina Sec. Bello, Vice Gov. Bojie Dy sa ilalim ng nasabing programa sa mga benepisyaryo sa bayan ng Tumauini, Isabela kung saan umabot sa 2,200 TUPAD beneficiaries ang tumanggap ng halagang tig- P3,700.00 at bigas mula sa provincial government.

Kasama rin sa mga namahagi ng tulong sina Cong. Antonio “Tonypet” Albano III, LPGMA partylist representative Allan Ty, DOLE Regional Director Joel Gonzales at ilang mga lokal na opisyal ng Tumauini.

Inihayag naman ng Kalihim na hindi siya dapat pinapasalamatan dahil ang tulong aniya na ipinagkakaloob sa mga benepisyaryo ay pera din ng taong bayan.

Hinimok din ni Sec. Bello ang mga nabigyan ng tulong na gamitin sa tama ang kanilang natanggap bilang pantustos sa pangangailangan ngayong krisis.

Samantala, namahagi naman si Cong. Allan Ty ng mga upuan sa lahat ng mga barangay ng nasabing bayan na may kabuuang 2,300 monoblock chairs.

Facebook Comments