Cauayan City, Isabela- Umabot sa 300 bata mula Kinder hanggang Grade 10 ang nabigyan ng libreng sabon at facemask ng mga youth volunteers katuwang ang Sangguniang Kabataan ng Sta. Catalina, City of Ilagan, Isabela.
Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng KABATAAN 2020 kasabay rin ng inilunsad proyektong “𝐒𝐄𝐑𝐁𝐈𝐒𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐋𝐈𝐆𝐓𝐀𝐒𝐀𝐍, 𝐒𝐄𝐑𝐁𝐈𝐒𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐋𝐈𝐍𝐈𝐒𝐀𝐍 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐁𝐀𝐓𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐆𝐈𝐋𝐀𝐒” ng SK Sta. Catalina sa nasabing lungsod.
Ayon kay SK Chairman Melvin Adurable, maaaring maliit man na halaga ang sabon at facemask, subalit ito ay hindi basehan para makatulong sa mga bata lalo pa’t nasa harap ng pandemya ang bansa.
Binigyan din ng tamang paraan ng paghuhugas ng kamay ang mga bata para makaiwas sa banta ng COVID-19.
Bukod dito, katuwang ang ilang opisyal ng lungsod gaya nina City Vice Mayor Kit Bello at Sangguniang Panlungsod Jayve Diaz sa pagbibigay ng tulong sa kabila ng matagumpay na paglulunsad ng nasabing proyekto.
Nagpasalamat naman si Adurable sa iba pang tumulong sa kanyang proyekto gaya aniya nina Barangay Kagawad Amelia Cabang Manuel-Marin.