Pamamahagi ng TUPAD sa Isabela, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Umuusad pa rin ang pamamahagi ng Tulong Panghanap-buhay sa mga Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na isinasagawa sa iba’t-ibang bayan sa Lalawigan ng Isabela.

Huling isinagawa ang TUPAD payout sa bayan ng Sta. Maria noong July 30, 2021 sa pangunguna mismo ni Vice Governor Faustino “Bojie” Dy III kasama si DOLE Secretary Silvestre “Bebot” H. Bello III at iba pang mga opisyal ng ahensya ng pamahalaan.

Umaabot sa 1,848 benepisyaryo ng TUPAD program ang matagumpay na naabutan ng cash at rice allowance.


Kaugnay nito, inihayag ni Labor Sec. Bello na magdadagdag pa ng 200 na slots para sa TUPAD ang bayan ng Sta. Maria.

Ang mga OFW naman na kabilang sa mga TUPAD beneficiaries ay makakatanggap din ng karagdagang P10,000.00 na tulong mula sa POEA.

Pinayuhan naman ng Kalihim ang mga benepisyaryong tumanggap ng sahod na gamitin ito sa tama para sa kanilang pamilya.

Facebook Comments