Iginiit ng Management Association of the Philippines (MAP) na dapat kapantay lamang o kaya ay mas mababa pa sa sinisingil sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) ang pamasahe sa EDSA Bus Carousel.
Pahayag ito ni MAP Transportation and Infrastructure Chairperson Eduardo Yap kaugnay sa panawagan ng 30 grupo na isapribado ang busway.
Ayon kay Yap, simple lamang ang naturang proyekto at mas mura kumpara sa iba pang mass transit system sa bansa kaya hindi na kailangang bumuo ng consortium para rito.
Dagdag pa nito, may kontrol pa rin ang pamahalaan sa usapin ng pamsahe sa ilalim ng public-private partnerships o PPP.
Bukas din ang grupong Philippine Chamber of Commerce and Industry sa ideyang pagsasapribado rito ngunit dapat ayusin muna ang ilang sistema sa busway at siguraduhing hindi ito magiging dagdag-pahirap sa mga commuter.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang Department of Transportation (DOTr) sa pagdagdag ng mga bus stop at paglalagay ng mga lifter para sa senior citizens at PWDs habang pinag-aaralan pa ang panukala.