Hinamon ng pamilya Mabasa si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag na lumantad at tanggapin ang subpoena laban sa kaniya.
Ayon kay Roy Mabasa, kapatid ng pinaslang na mamamahayag na si Percy Lapid, dapat sagutin ni Bantag ang mga reklamo laban sa kaniya at humarap dahil hindi pa naman aniya warrant of arrest ang inisyu laban sa kaniya.
Dagdag pa ni Mabasa, maraming pwedeng sabihin si Bantag at posibleng mapiga ito na ibunyag kung mayroon pang ibang taong nasa likod ng pagpaslang sa kaniyang kapatid.
Matatandaang ipinadala ng Department of Justice (DOJ) ang subpoena kay Bantag sa huling address nito sa Caloocan City pero napag-alamang lumipat ito ng tirahan nang maitalagang BuCors Director General.
Sinabi naman ng legal counsel ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na nakatakda pa lamang nitong matanggap ang subpoena dahil kasalukuyang nasa Baguio City pa ito.
Una na ring sinabi ni Bantag na hindi siya nagtatago sa mga awtoridad at handa siyang sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.