Scammer na gumamit ng identity ng isang OFW, arestado ng PNP-ACG

Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang dalawang scammer na ginamit ang pagkakakilanlan ng isang Overseas Filipino Workers (OFW) para makakuha ng pera sa kaniyang mga kamag-anak.

Kinilala ni PNP-ACG Director Police Brig. General Joel Doria ang mga suspek na sina Jessica Garcia at Queen Elizabeth Paragas.

Nahuli ang dalawa sa Mangaldan Public Market, Brgy. Poblacion, Mangaldan, Pangasinan.


Ayon kay Police Colonel Fidel Fortaleza Jr., Regional Anti-Cybercrime Chief, gumawa ang mga suspek ng pekeng Facebook account ni Jesus Garcia, isang OFW sa Saudi Arabia, at ginamit ito para makahingi ng pera sa kaniyang mga kamag-anak.

Walong libong piso ang natangay ng mga suspek mula sa pamilya ng biktima.

Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa computer related identity Theft at Swindling/estafa ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments