Umapela ang Pamilya Mabasa kina suspended Bureau of Corrections Chief Gerald Bantag at Deputy Security Officer Ricardo Zulueta na mapayapang sumuko sa mga awtoridad matapos na madiin sa kasong pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at sa middleman na si Jun Villamor.
Ayon kay Roy Mabasa, kapatid ni Lapid, umaasa silang hindi titigil kay Bantag ang paghahanap ng katotohanan sa nangyaring krimen.
Aniya, 95% pa lamang na tapos ang imbestigasyon kaya posibleng may iba pang mapapangalanang sangkot sa kaso.
“May mga ongoing investigation pang ginagawa ang mga ahensya ng pamahalaan ano, kaya hindi pa sila makapag-declare ng 100% na close na itong investigation,” ani Mabasa sa interview ng RMN DZXL 558.
Naiintindihan ko po yun kasi, meron pang tatlo nakawala. Di ba yung Dimaculan brothers tsaka itong alyas “Orly.” Meron pang isa na nasa BJMP, si [Christopher] Bacoto na hindi pa rin nakukuhanan ng pahayag. Meron pa ring mga pangalan na binanggit doon sa AMLC report na nagdeposito ng pera pambayad doon sa gunman,” saad niya.
“On a central figures po nito ay itong si Bantag tsaka si Zulueta. E kung sila ang may gawa niya bakit hindi sila lumitaw at aminin yan in public. Being a reponsible public official, yan po’y tungkulin nila. Kasama yan sa kanilang sinumpaan,” giit pa ni Mabasa.
Dagdag pa ni Mabasa, malaking kaginhawaan din para sa kanilang pamilya kung lulutang sina Bantag.
Aminado si Mabasa na hanggang ngayon ay hindi nila matanggap ang alok na seguridad mula sa Department of Justice at Philippine National Police dahil sa takot.
“Ang pamilya po ay nahaharap sa isang sitwasyon na hindi namin alam kung sino ang kaaway namin. Kaya nga po, makakatulong nang malaki kung lilitaw itong si Ginoong Bantag at magsabi siya lang talaga ang mastermind. Magkakaroon kami ng kapayapaan sa aming mga sarili kung magkakaroon ng total nap ag-amin.”
Itinakda sa November 11 ang ikatlong preliminary investigation ng DOJ sa Percy Lapid case.
AMLC Report
Konektado sa isang drug lord ang isa sa mga natukoy na nagdeposito sa banko ng perang pambayad sa pagpatay kay Percy Lapid.
Ito ang lumabas sa isinumiteng report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) matapos ang ginawang pagbusisi sa bank account ng gunman na si Joel Escorial.
Ayon kay Mabasa, isang babaeng negosyante ang kausap ng taong nasa Bilibid na inutusan nitong magdeposito ng pera.
“Hindi pa masyadong malinaw kung may koneksyon sa gobyerno but one thing na na-establish doon ay merong isang tao ro’n na nagdedeposito on behalf dun sa isang inmate tapos nung hinalungkat ng AMLC yung kanyang banking record, na-trace na meron siyang koneksyon sa isang drug lord,” pahayag pa ni Mabasa.
Batay pa sa ulat ng AMLC, kwestiyonable rin ang mga perang hawak ng mga taong kausap ng inmate sa labas.
Kabilang dito si Escorial na idineklarang nagtatrabaho bilang car mechanics sa Montalban, Rizal pero hindi naman akma ang kita sa perang pumapasok sa kanyang bank account.