Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ng mga heirs o tagapagmana ng lupain ang umano’y land grabbing na ibinabato ng kanilang isang kaanak laban kay Sangguniang Bayan Member Jonabel Tamayo ng San Mateo, Isabela.
Matatandaang pinaratangan ng anak ni Teresita Asuncion De Leon na si Mary Rose De Leon na inaangkin ni Tamayo ang lupang sinasaka.
Depensa ng mga ito, tumulong lang naman si SB Tamayo para maibalik ang lupa sa mga totoong nagmamay-ari nito matapos magpalabas ng desisyon ang kataas-taasang hukuman pabor sa pitong (7) mga tagapagmana.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SB Tamayo, itinanggi nito ang paratang sa kanya at sa katunayan umano ay wala naman itong pagmamay-aring lupa sa lugar kung saan sinasabing inaangkin umano niya ito.
Taliwas ito sa kumakalat sa social media na video ng anak ni De Leon na nag-aakusa kay Tamayo na ninakaw umano niya ang lupang sakahan.
Binigyang diin ng mga tagapagmana na walang kinalaman si Tamayo sa agawan umano ng lupa dahil tinulungan lang umano sila sa ginagawa umanong pang-aangkin ng isa nilang kaanak.
Taong 2020, nagpalabas ng desisyon ang korte na nagsasabing ang pitong tagapagmana ang maghahati-hati sa dalawang ektaryang lupain.
Malaking perwisyo umano ang ginawang pagpapakalat ng video na wala namang katotohanan sa kabila ng ginawa lang umano ni Tamayo ang nararapat para maibalik ang lupang sinasaka sa mga totoong mga tagapagmana.
Samantala, kinumpirma naman ng San Mateo Police Station na isinailalim na sa inquest proceedings si Teresita De Leon at kanyang 4 na anak maging ang nadamay na tatlong pahinante ng reaper.
Nahaharap ang walong suspek sa kasong Theft o Pagnanakaw ng mga nasakang tanim na palay.
Sa follow-up na pakikipag-ugnayan ng news team sa PNP San Mateo, nakapagpiyansa ang kampo ni Teresita para sa kanilang pansamantalang kalayaan.