Pamilya ng 18-anyos na biktima ng mistaken identity, dismayado sa mabagal na aksyon ng pulisya

Manila, Philippines – Patuloy na nanawagan ng hustisya ang pamilya ng 18-anyos na si Ephraim Escudero.

Sa interview ng RMN kay ginang Felibeth Escudero, blangko pa rin sila sa pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng pamamaslang sa kanilang anak, na isang cellphone technician.

Nabatid na august 19 nang mawala si Ephraim sakay ng motorsiklo sa San Pedro City, Laguna.


Makalipas ang dalawang araw ay natagpuan ang bangkay nito sa Angeles City na nakabalot ng packaging tape ang mukha, nakagapos ang kamay at paa at may tama ng bala sa ulo.

Base sa CCTV footage, huling nakita si Ephraim na may angkas na dalawang lalaki sa San Pedro.

Patay na ang isa sa mga angkas na ito habang pinaghahanap ang isa pang hinihinalang suspek.

Sinasabing nawawala rin ang dalawang cellphone at ang motor na gamit ng biktima.

Ayon kay ginang Felibeth, mabait na anak at walang kaaway sa lugar si Ephraim.

Hinala ng pamilya Escudero, biktima lamang ang anak ng mistaken identity.

Dismayado din ang pamilya sa usad ng kaso dahil tila walang ginagawa ang mga otoridad.

Kahapon, nailibing na ang labi ni Ephraim Sa Castasus Cemetery sa San Pedro City, Laguna.

Facebook Comments