Natanggap na ng pamilya Aguirre ang tulong pinansyal mula sa House of Representatives noong ika-18 ng Oktubre.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay Erlinda Aguirre, nanay ng napaslang sa girian ng Israel-Hamas na si Angelyn Aguirre na natanggap na nila ang kabuuang P500-K mula sa House of Representatives sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez.
Nabigyan na rin ang dalawang iba pang pamilya ng mga Pinoy sa mga lalawigan ng Pampanga at Negros Occidental na nasawi sa Israel.
Kung saan ayon kay Romualdez nang personal niyang iabot ang tulong sa pamilya ni Paul Vincent Castelvi sa Pampanga ay walang halaga ng tulong ang tunay na makakatumbas sa isang pagkawala, ngunit inaasahan aniya na ang maliit na tulong ay makakatulong sa pagpapagaan ng kalungkutan at maibsan ang ilan sa mga pinansyal na pasanin na kinakaharap sa mahirap na panahong ito.
Sa ngayon, tanging hiling din ng pamilya Aguirre ay sana mapadali na ang pagproseso upang mapa-uwi na ang mga labi ng kanilang kaanak kung saan hiling din nito na sana ma-repatriate na rin ang isa pa nitong anak na nasa Israel.
Ayon naman sa OWWA na patuloy silang naghahanap ng alternatibong paraan sa pagpapauwi sa mga bangkay ng tatlong Pilipino nasawi. |ifmnews
Facebook Comments