*Cauayan City, Isabela*-Nakauwi na sa kani-kanilang tahanan ang may mahigit na 100 katao na apektado ng pagbaha mula sa mga ilog at sapa sa ilang barangay sa Bayan ng Roxas, Isabela.
Ayon kay PDRRM Officer Basilio Dumlao, umabot hanggang tuhod ang lebel ng tubig na dahilan ng pagbaha sa ilang kabahayan sa Brgy. Nuesa kaya’t agad na inilikas ang mga ito ng Rescue Team para maiwasan ang anumang insidente.
Itinanggi naman ni PDRRM Officer Dumlao ang kumakalat na balita na nagkaroon ng pagguho ng lupa sa ilang lugar sa coastal area sa lalawigan ng Isabela.
Sa ngayon ay nananatiling hindi pa rin madaanan ang ilang overflowbridges dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig mula sa Cagayan River na kinabibilangan ng Cansan Overflow Bridge na nag-uugnay sa Cabagan at Sto. Tomas, Isabela; ang Casibarag Overflow Bridge sa Sta. Maria, Isabela; ang Baculod Overflow Bridge sa Lunsod ng Ilagan, at ang Alicaocao Overflow Bridge sa Cauayan City at ang Siffu bridge sa Roxas, Isabela na pansamantalang isinara sa mga motorsita dahil sa malakas na buhos ng tubig.
Patuloy naman ang monitoring ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa mga lugar na posibleng pagmulan ng baha kung magpapatuloy ang nararanasang pag uulan dulot ni Bagyong Sarah.