Nanawagan si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa Department of Health (DOH) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na mamahagi ng libreng face masks and face shields para mapanatiling protektado ang publiko laban sa COVID-19.
Ipinunto ni Revilla, na mas mainam na magbigay ang gobyerno sa halip na arestuhin ang mga matityempuhan na walang suot na face mask at face shield.
Mungkahi niya ito sa harap ng patuloy na paglobo ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa na nagtulak sa medical community na hilingin ang pagsailalim ng Metro Manila sa mas mahigpit na quarantine measures.
Paliwanag ng Senador, marami sa ating mga kababayan ang nanggigitata na ang face mask pero ginagamit pa rin dahil sa kawalan ng pambili.
Aniya, maaaring ipagkatiwala ng pamahalaan sa Local Government Units (LGUs) ang pamamahagi ng libreng face mask at face shield para maiwasang magkahawa-hawa sa virus ang mamamayan.