Cauayan City, Isabela- Umabot na sa 98% ang naipamahagi ng libreng mga binhi sa lahat ng mga magsasaka sa Lungsod ng Cauayan para sa susunod na taniman ng mga palay.
Ayon kay Ginoong Ricardo Alonzo, City Agriculturist,patuloy pa rin ang pamamahagi ng kanilang tanggapan para sa iba pang mga magsasaka na kasalukuyan pa na nagpapatala sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Aniya, makakatanggap din ng dalawang (2) sako ng abono ang mga magsasaka na kabilang sa RCEF habang sa hybrid naman ay tatlong (3) sako ng abono na siyang magagamit ng mga ito para sa kanilang taniman.
Hinihikayat din ng opisyal ang iba pang residente sa lungsod na mangyaring gumawa ng taniman o backyard gardening upang makatanggap ng libreng buto ng iba’t ibang gulay.
Samantala, pinasinungalingan din ni Alonzo ang impormasyon na ang mga natatanggap ng magsasaka sa ilalim ng tulong pinansyal ng DA ay P4,000 lamang at hindi P5,000 dahil ang lahat ng ito ay sa mga remittance center at bangko lamang maaaring kunin ng mga beneficiaries.
Ito ay matapos makatanggap ng reklamo ang tanggapan mula sa 8888 hotline ng gobyerno.