Labis ang pagdadalamhati ngayon ng kaanak ng yumaong Pampanga provincial health chief kilalang doctor to the barrios na si Dr. Marcelo Jaochico na tinamaan ng nakahahawang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kuwento ng anak niyang si Cielo, in denial sa simula ang kaniyang tatay at sinasabing wala siyang iniindang karamdaman.
“Pero alam niya sa sarili niya ‘di siya okay. So ang ginawa niya, nag-home quarantine na siya tapos may pumupuntang nurse sa kanila doon,” pahayag ng dalaga.
Aniya, sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi na nila nakausap ng maayos ang pinakakamahal na ama.
Buhay pa raw si Dr. Jaochico nang malaman niya ang resulta ng isinagawang COVID-19 test sa kaniya.
Dagdag ni Cielo, hirap na silang tukuyin kung kanino nahawa ang padre de pamilya dahil marami itong nakakasalamuha at masipag maglibot sa lalawigan para mangamusta ng mga residente.
Hiniling naman ng dalaga sa publiko na alalahanin ang tatay niya bilang doktor na maraming ginawa para sa bayan at hindi bilang biktima ng nakamamatay na virus.
“If naging kaibigan niyo po si daddy lalo na during his Calanasan, DOH and Pampanga days, please message us po. Di po kami magkakaroon nang maayos na lamay sa ngayon. Masakit sa puso we won’t be hearing eulogies from his friends. Please share us stories about your time with him.”
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami, isa sa mga unang doctor to the barrios si Dr. Jaochico at tumulong sa pagresolba ng malaria at dengue sa bayan ng Calanasan, sa lalawigan ng Apayao.
Kabilang din siya sa mga rumesponde noong hagupit ng bagyong Yolanda sa Tacloban noong 2013 at pagsabog ng bulkang Taal nitong Enero ng kasalukuyang taon.
Sa huling datos ng Philippine Medical Association (PMA), si Dr. Jaochico ang ikalimang manggagamot na binawian ng buhay dahil sa COVID-19.