Pampublikong Paaralan sa San Luis, Cauayan City, Pormal nang Binuksan!

*Cauayan City, Isabela-* Pormal nang binuksan ngayong araw ang San Luis Integrated School na dating San Luis Elementary School sa Lungsod ng Cauayan.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Gilbert N. Tong, Schools Division Superintendent, Division of Cauayan City, malaking tulong anya ito para sa mga mag-aaral lalo na sa mga kalapit na lugar ng Brgy San Luis upang hindi na magtungo at mag-aral sa ibang malalayong eskwelahan.

Sinabi pa ni Dr. Tong na bagama’t hanggang Grade 7 lang ang nasabing paaralan ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang koordinasyon sa pamunuan ng DepED maging sa lokal na pamahalaan upang higit na matulungan ang mga mag-aaral na mapabuti ang kanilang pag aaral.


Sa ngayon ay pansamantalang gagamitin ng mga mag aaral ng Grade 7 ang isang silid ng Grade 6 sa nasabing paaralan habang katatapos lang ng soil testing para sa ipapatayong karagdagang silid aralan.

Inihayag naman ni Ginoong Gary Galutera, City Councilor ng Cauayan at Chairman ng Committee on Education na patuloy ang kanilang pagbibigay ng ayuda sa mga mag aaral dahil naniniwala ang konsehal na ang mga kabataan ang susunod na mamumuno sa bayan.

Dagdag pa ni Galutera na sa susunod na linggo ay mamimigay na ang lokal na pamahalaan ng mga school supplies at ibang gamit sa darating na ‘Oplan Balik-Eskwela 2019’ upang makatulong sa mga mag-aaral.

Handa naman ang Schools Division Office ng Cauayan City sa mga karagdagang guro at mga sports materials para sa paghubog sa mga mag aaral.

Nakatakda namang dumalo ang ilang kawani at opisyal ng Division Office at City Officials para sa ‘flag ceremony’ bilang bahagi ng pinasinayaang San Luis Integrated School sa darating na pasukan, June 3, 2019.




Facebook Comments