Mariing inihayag ni Major General Paul Talay Atal, D.P.A. AFP, kumander ng 5ID, Philippine Army na nakahimpil sa Upi, Gamu, Isabela ang kanyang todo suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga lalo na sa kampanya ng DILG para sa Mamamayang Ayaw sa Anomalya – Mamamayang Ayaw sa Ilegal na Droga o MASA-MASID
Sa ulat na nakalap ng DWKD 98.5 RMN News Team mula kay Army Captain Jefferson Somera, pinuno ng Department of Public Affairs Office (DPAO) at tagapagsalita ng 5ID, inihayag ng Heneral sa kanyang pagdalo sa Regional Technical Working Group meeting sa pangrehiyong tanggapan ng DILG noong Agosto 14, 2017 ang suporta ng militar sa anumang gawain kontra sa salot na droga.
Itinuon sa naturang pulong ang mga tagumpay at mga kasalukuyan pang ginagawa laban sa ilegal na droga ng PDEA, PNP at DILG. Kasama din sa pinagtuunan sa pulong ay ang Executive Order Number 15 na siyang bumuo ng Inter Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD at ang Anti-Illegal Drugs Task Force.
Naging kinatawan si Heneral Atal ng AFP sa naturang pulong bilang pinuno ng militar sa lokalidad at kanyang inihayag ang pagsaludo sa mga hakbangin laban sa illegal na droga sa ikakaligtas ng kinabukasan ng mga Pilipino.
Sa naturang pulong ay kanyang tiniyak ang walang puknat na suporta ng militar at ng 5th Infantry Division sa programang ito. Kanya ding idinagdag na handa ang 5ID na magbigay suporta saan man at anumang oras dito sa Rehiyon Dos. Kanya ring sinabi na ang anumang hakbang para magapi ang salot na ilegal na droga ay isang magandang accomplishment na tiyak makapagbibigay saya kay Presidente Rodrigo Duterte.
Ang pulong na ginanap sa Tuguegarao City ay dinaluhan ng ibat ibang kinatawan ng mga ahensiya na kabilang sa Inter Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD at Anti Illegal Drugs Task Force.