Cauayan City, Isabela – Nagkasundo na ang pamunuan ng ECC Shopping Center at mga dating manggagawa nito sa isinagawang ikaapat na pag-uusap sa Single Entry Approach (SEnA) procedure ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa City of Ilagan, Isabela.
Sa eksklusibong pagtutok ng RMN Cauayan, batay sa naging kasunduan na pinirmahan ng mahigit dalawampung dating manggagawa ng ECC ay tinanggap na nila ang alok sa halagang pitong libong piso at sampung libong piso na nakatakdang maipagkaloob sa ika – apat ng Pebrero taong kasalukuyan.
Napagkasunduan ng magkabilang panig na ang isang claimant na mayroong matatanggap sana na P20,000.00 pataas ay tatanggap na lamang ng sampung libong piso habang ang mga nasa P20,000.00 pababa ang makukuha sana ay makakatanggap na lamang ng bayad na pitong libong piso.
Nagkapirmahan kahapon sa harapan ni Ginang Theresa Sabog, Senior Labor Employment Officer ng DOLE Ilagan na nagsagawa ng pagdinig sa kaso sa pagitan ng dalawang panig hinggil sa hindi pagbibigay ng kanilang sahod at ng mga benespisyo sa pagtratrabaho sa naturang bahay kalakal.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Bb. Angelica Valdez, dating empleyado ng naturang tanggapan, kanyang sinabi na tinanggap na lamang nila ang alok para matapos na ang kanilang kaso.
Aniya, hirap na sila sa pinansyal na aspeto at upang makapag-umpisa na din sila ng kani- kanilang bagong trabaho.
Dagdag pa ni Valdez, buwan ng hulyo hanggang Disyembre ng taong 2018 ang babayaran muna at klaro naman sa ECC na hindi pa nila natugunan ang bayad sa buwan ng Pebrero hanggang Hunyo 2018.
Samantala, lahat umano ng nagreklamong empleyado ay pumirma na sa kasunduan upang hindi na ito iakyat pa sa National Labor Relations Commission (NLRC) Tuguegarao City.