Nangako ang pamunuan ng PhilHealth at Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na magtutulungan para maayos ang kanilang problema at maprotektahan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Inihayag ito ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go, matapos nilang kusapin ni Executive Secretary Medialdea si PhilHealth President Dante Gierran at PHAPI President Dr. Jose Rene de Grano.
Ayon kay Go, kanilang pina-alalahanan ang pamunuan ng PhilHealth na ayusin ang mga isyu sa mga apektadong ospital at makipag-ugnayan din sa mga grupo, tulad ng PHAPi.
Sabi ni Go, ito ay para maresolba ng mabilis at sa maayos na paraan ang problema kaugnay sa banta ng mga probadong ospital na pagkalas sa PhilHealth.
Diin ni Go, Hindi pwedeng maantala ang serbisyong pangkalusugan, lalo na’t mayroon tayong pandemyang pilit na nilalampasan.
Giit ni Go sa PhilHealth, gawin ang lahat para maproseso ng mabilis at naaayon sa batas ang bayad sa legitimate claims ng mga ospital.
Paliwanag pa ni Go, Hindi naman kakayanin ng mga ospital na itutuloy ang kanilang operasyon kung wala silang kaukulang pondong magamit dahil sa laki na ng pinapasan nila habang hinihintay ang bayad ng PhilHealth.
Umaapela naman si Go mga ospital na siguraduhing lehitimo ang lahat ng mga claim na isinusumite sa PhilHealth para hindi na magtagal ang vetting process.