Manila, Philippines – Inihain ni Senator Grace Poe ang Senate Bill number 1680 na nagpapataw ng kaparusahan sa mga government officials na magkakalat ng fake news o maling mga impormasyon sa social media.
Ang hakbang ni Senator Poe ay bunga ng mga pagdinig ukol sa pamamayapag na fake news na isinagawa ng pinamumunuan niyang Committee on Public Information and Mass Media.
Nakapaloob sa panukala ni Senator Poe ang pag-amyenda sa Code of Conduct and Ethical Standards na naisabatas noong 1989 na wala pang social media.
Sa panukala ng Senadora ay papatawan ng anim na buwan hanggang isang taong suspensyon at maari pang masibak at bawalan ng magtrabaho sa gobyerno ang magkakalat ng false news o fake news sa kanilang official at personal social media accounts.
Ikinatwiran ni Senator Poe na bahagi ng tungkulin ng mga nasa gobyerno na maging responsable sa mga ilalabas nilang impormasyon.
Paliwanag ni Senator Poe, dapat ay tiyakin ng mga government officials na tama at totoo ang mga inilalathala sa kanilang social media accounts at sa iba pang platform dahil ang kanilang pagkakamali ay maaring magdulot ng panganib sa publiko at sa gobyerno.