Pancit canton na gawang Pinas, hindi apektado nang napaulat na pagtataglay ng ethylene oxide, ayon sa DOH

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi apektado nang napaulat na pagtataglay ng ethylene oxide ang isang brand ng instant pancit canton dito sa bansa.

Ayon kay DOH Undersecretary at Spokesperson at National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson Maria Rosario Vergeire, batay sa paunang imbestigasyon ng Food and Drug Administration (FDA) may sariling local manufacturing ang bansa ng naturang pancit canton.

Batay rin aniya sa pagsusuri ng FDA, ang mga sangkap ng nasabing pancit canton ay dito sa Pilipinas ginawa, kaya hindi apektado ang produksyon nito sa bansa.


Gayunpaman, ipinunto ni Vergeire na ang naiulat na pancit canton na may ethylene oxide ay nangyari sa European countries at hindi rito sa Pilipinas.

Pero, payo pa rin ni Vergeire sa publiko na kailangan pa rin ang pag-iingat, suriin maiigi ang binibiling pagkain at dapat aprubado ng FDA.

Ang ethylene oxide ay isang kemikal na ginagamit sa mga pesticides na siyang pinagbabawal sa paggamit ng binebentang pagkain.

Batay sa DOH, kapag nasobrahan ng intake ng pagkain na may ethylene oxide o sumobra sa safety threshold ay maaaring makaranas ng pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagdudumi at paghirap sa paghinga.

Facebook Comments