Pangakong 200 mbps internet speed, dapat matupad na sa unang bahagi ng 2022

Iginiit ni Senator Grace Poe sa pagtalakay ng Senado sa 2022 proposed budget para sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na dapat tuparin ng gobyerno ang 200 megabits per second (mbps) internet speed.

Sa kasalukuyan, ang average fixed broadband download speed ay nasa 70 mbps at 33 mbps naman para sa mobile downloads.

Ayon kay Poe, dapat maramdaman ng mga Pilipino ang mabilis na internet speed sa napipintong pagkumpleto sa Phase 1 ng ibinidang National Broadband Plan (NBP).


Sa pagdepensa ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa budget ng DICT para sa 2022 ay nabatid na ang Phase 1 ng programa ay inaasahang gugulong sa Pebrero sa susunod na taon.

Palalakasin nito ang internet speed sa mga tanggapan ng pamahalaan tungo sa 200 mbps sa National Capital Region (NCR), Region 1, Region 3 at mga bahagi ng Region 2.

Ayon kay Poe, ang broadband technology ang susi sa trabaho, pag-unlad ng ekonomiya at mas maginhawang pamumuhay habang dinaraanan natin ang pandemya.

Bukod dito ay Isinusulong rin ni Poe ang probisyon para sa libreng Wi-Fi connections sa mga State Universities and Colleges (SUCs) para matugunan ang pangangailangan sa koneksyon ng mga estudyante at guro.

₱6.47 bilyong ang inilaang pondo sa DICT para sa 2022 pero nais ng Senado na itaas ito sa ₱9.5 bilyon.

Facebook Comments