Manila, Philippines – Naniniwala si Senador Panfilo Ping Lacson na malabong matupad sa ilalim ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangakong absolute pardon sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Iginiit ni Lacson, mas madaling sabihin kaysa gawin ang absolute pardon na pinangako ni Duterte sa grupo ng mga pulis na kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG region 8.
Ipinaliwanag ni Lacson sa kasalukuyan sistema ng hustisya sa bansa, umaabot ng ilang taon bago matapos ang paglilitis sa isang korte at mahatulan ang mga akusado.
Dagdag pa ni Lacson, maari lamang bigyan ng pardon ang isang indibidwal kung pinal na o napagtibay na ng Korte Suprema ang hatol dito.
Sabi ni Lacson, kapag nangyari na ang lahat ng ito ay tiyak na tapos na ang termino ni Pangulong Duterte.
Kaya payo ni Lacson sa mga pulis, huwag ng sumuong sa alanganin, at sundin na lang ang batas sa pagganap sa kanilang tungkulin.