Cauayan City, Isabela – Kasalukuyang isinasagawa ngayong araw ang pangalawang bahagi ng Cagayan Valley Regional Athletic Association 2019 (CA VRAA) sa Tuguegarao City, Cagayan.
Ito ang ipinahayag ni Ginoong Joselito Narag ng Education Support Service Division Head DepEd Region 2 sa panayam ng RMN Cauayan sa kanya sa programang straight to the point.
Aniya, apat na event ang isinasagawa ngayon sa lalawigan ng Cagayan na kinabibilangan ng wrestling, baseball, badminton at softball.
Ayon pa kay Ginoong Narag, nanalo ang Team Tuguegarao City sa natapos na softball girl secondary sa score na 15-0.
Kaugnay nito, naganap ang unang bahagi ng mga aktibidad ng CAVRAA sa Lungsod ng Santiago City, Lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya noong Marso 1-3, 2019 at nakakuha ng medalya ang lahat ng nakilahok na division.
Nagpapasalamat naman si Ginoong Narag sa mga magulang ng mga delegado sa kanilang walang sawang suporta at kanilang ipinapaalam na makakauwi bukas ng gabi ang kanilang mga anak.
Samantala, magaganap naman sa Lungsod ng Cauayan, City of Ilagan at Isabela ang panghuling bahagi ng nasabing events na isasagawa sa Marso 9-11, 2019.
Kinabibilangan ito ng mga larong Sepak takraw, gymnastic, swimming, basketball at athletic.