Pangamba ng mga taga-Nueva Ecija pinawi ng Palasyo

Pinakalma ng Palasyo ang mga residente sa palibot ng Drug Rehabilitation sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija kung saan dadalhin ang mga uuwing Pilipino mula sa China, Hong Kong at Macau.

Nabatid na sa darating na Sabado nakatakdang umuwi ang unang batch ng mga Pinoy na ire-repatriate mula sa Hubei, China. At sa Fort Magsaysay isasailalim ang mga ito sa 14-day quarantine. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 42 Pinoy ang una nang nagpahayag ng pagnanais na makauwi ng bansa.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, wala dapat ikatakot ang mga residente doon, at kung tutuusin ay doon pa ang pinakaligtas na lugar dahil doon ipapatupad ng pamahalaan ang pinaka mataas na quarantine measures.


Hindi aniya basta-basta makakapasok at makakalabas ang sinuman sa lugar. At makakaasa aniya ang publiko na lahat ng ii-impose na quarantine measures doon ay nasa pinaka mataas na lebel.

Tiniyak rin ng Kalihim na ang mga medical workers na ma-assign doon ay sasailalim sa Extensive Medical Protocol, bilang bahagi ng pag-iingat at upang mabawasan ang anomang kontaminasyon.

Facebook Comments