
Buo ang suporta ng mga lider ng House of Representatives sa polisiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pangalagaan ang interes ng Pilipinas at itaguyod ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa sa gitna ng ginagawang iligal na pagpasok ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Assistant Majority Leader at Taguig City, 2nd District Rep. Maria Amparo “Pammy” Zamora, hindi naman natin kakayanin na lumaban ng patas sa kanila sa ngayon, kaya ang polisya ni PBBM ang tanging magagawa natin para maiparating na hindi tayo papayag na i-bully ng China.
Sabi naman ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy, mahalagang maipagpatuloy ang pagiging hayag at ang pagkakaisa ng mga magkakapitbahay na bansa sa pagtugon sa mga hamong dulot ng mga aksyon ng China sa WPS.
Sang-ayon din si Assistant Majority Leader at Nueva Ecija, 1st District Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing sa pangangailangan na ating higit na palakasin ang alyansa ng Pilipinas sa international community upang matugunan ang agresyon ng China.
Ang pahayag ni Representatives, Zamora, Dy at Suansing ay kasunod ng pinakahuling insidente sa WPS kung saan ginamitan muli ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang dalawang supply ship ng Pilipinas malapit sa Bajo de Masinloc na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.