PANGASINAN, HINDI BAGSAKAN NG ILEGAL NA DROGA — PDEA AT PPO

Nilinaw ng Pangasinan Provincial Offices ng PDEA at PNP na hindi bagsakan o transshipment ng ilegal na droga ang lalawigan kasunod ng malakihang operasyon noong Oktubre 2025 na kinakumpiskahan ng milyon-milyong halaga ng kontrabando sa mga bayan ng Bugallon at Labrador.

Sa naging talakayan sa Sangguniang Panlalawigan, binigyang-diin ni PDEA Pangasinan Provincial Officer IA V Dexter Asayco na napipigilan ng sanib pwersang operasyon ng dalawang tanggapan ang tangkang gawing bagsakan ng droga ang Pangasinan.

Iginiit ng opisyal ang naturang pahayag matapos ang bahagyang hindi pagkakaunawaan sa gitna ng sesyon kung saan sumang-ayon si Asayco nang matanong kung transshipment ng kontrabando ang lalawigan.

Parehong sentimyento rin ang inihayag ng kapulisan dahil sa pinaigting na reduction operations upang masawata ang ilegal na droga at maprotektahan ang komunidad mula sa bantang epekto nito.

Nilinaw din ni Pangasinan Vice Governor Mark Lambino na puspusan ang hakbang ng pamahalaan upang mapigilan ang pag talamak ng bentahan at paggamit ng ilegal na droga sa lalawigan dahil patuloy na nadadaanan ng mga drug personalities ang lalawigan at hindi transshipment point o bagsakan.

Kaugnay nito, tiniyak ng mga nabanggit na ahensya ang pagsasanib pwersa upang mapigilan ang mas malalang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa mga komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments