Tuesday, April 7, 2026

PANGASINAN PPO, PINAIGTING ANG UGNAYAN SA KUMUNIDAD

Matagumpay na isinagawa ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang Provincial Advisory Group for Police Transformation and Development (PAGPTD) Meeting.

Pinangunahan ang aktibidad ni Arbel C. Mercullo, Provincial Director, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng mas pinaigting na ugnayan sa pagitan ng pulisya at komunidad sa ilalim ng programang transformation at development ng Philippine National Police (PNP).

Dinaluhan ang pagpupulong ng iba’t ibang stakeholder at katuwang ng kapulisan na may mahalagang papel sa pagpapalakas ng transparency, accountability, at tiwala ng publiko sa hanay ng pulisya.

Isa sa mga tampok ng programa ang pagbibigay ng Certificate of Recognition sa mga indibidwal na nagpakita ng natatanging suporta at liderato sa mga programa ng PNP.

Kinilala ang mga indibidwal sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapatibay ng ugnayan ng pulisya at komunidad at sa pagpapatuloy ng mga reporma sa organisasyon.

Kasabay nito, isinagawa rin ang panunumpa ng mga bagong miyembro ng PAGPTD bilang simbolo ng kanilang panibagong paninindigan sa paglilingkod. Kabilang sa mga nanumpa sina Silverio D. Alarcio Jr. bilang Adviser, Phillip Raymund S. Rivera bilang miyembro, pati sina Pia Torio Galapon at Ma. Florinda Princess Espenilla-Duque.

Tinalakay sa pulong ang mahahalagang agenda kabilang ang mga plano at programa para sa 2027 na nakatuon sa transformation and development, mga update sa kasalukuyang inisyatibo ng PAGPTD, at patuloy na suporta sa mga programa ng PNP sa lalawigan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mercullo ang kahalagahan ng matibay na pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor, at iginiit na ang epektibong pagpapatupad ng batas ay higit na napapalakas sa pamamagitan ng pagkakaisa, kolektibong pananagutan, at aktibong partisipasyon ng komunidad.

Muling pinagtibay ng Pangasinan PPO ang kanilang dedikasyon sa pagpapaunlad ng institusyon, pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad, at pagbibigay ng mahusay at makabuluhang serbisyo publiko na nakabatay sa integridad at propesyonalismo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments