Cauayan City, Isabela- Nakatakdang manumpa bukas ang nasa dalawang daan at limampung bagong trainee’s ng kasundaluhan bilang pangatlong batch sa pangalawang semester ngayong taon.
Ito ang iniulat ni Captain Jefferson Somera, ang pinuno ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division sa naging ugnayan ng RMN Cauayan kaninang umaga.
Aniya, pagkatapos ng Oath taking ng kanilang mga bagong trainee ay magsisimula nang mag-ensayo ang mga ito na aabot sa apat na buwan at maaari rin umanong sumalang pa ang mga ito para sa kanilang karagdagang ensayo upang mas malinang pa ang kanilang kakayahan sa pagdipensa at wastong paghawak ng armas.
Ayon pa kay Captain Somera, aabot sa isang libong sundalo ang kanilang mapapagtapos ngayong taon kung saan dumami umano ang mga aplikante na nakapagtapos sa kolehiyo na gustong maging sundalo.
Bukas pa rin umano ang kanilang tanggapan para sa mga gustong magparehistro na gustong maging sundalo dahil mayroon pa umano silang susunod na quota ngayong taon.
Samantala, bilang parte sa magaganap na Oath taking ng mga bagong sundalo bukas ay magkakaroon din umano ng fellowship bilang pagkilala sa mga mamamahayag upang mabigyan din ng kaalaman ang mga ito kung paano humawak ng baril at kung paano idipensa ang sarili.