Manila, Philippines – Arestado ang 2 suspek sa pagpapataya ng loteng sa Quezon City matapos ang 2 magkasunod na operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) station 7.
Nakilala ang mga suspek na sina Zosimo Golpo at tauhan niya na si Victor Dela Cruz.
Ayon kay police inspector Elmer Raban, modus ng mga suspek na kunwari STL lang ang pinalataya, pero nag-o-operate na pala sila ng iligal na loteng.
Unang naaresto sa Farmers Market si Dela Cruz na nagpapataya ng loteng sa mga parokyano habang ‘to the rescue’ naman sa presinto ang amo nito na si Golpo.
Pakay niya, suhulan o magbigay ng pera sa pulis para mapalaya ang nahuling tauhan, kaya lang at mabuti na rin na hindi ito tinangap ng pulis.
Na-videohan pa ng mga owtoridad ang pasimpleng pag-abot ng pera ni Golpo kay senior inspector Ramon Acquiatan.
Maging ang aktwal na pagposas sa suspek ay makikita din sa video.
Si Dela Cruz ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9287 o Illegal Numbers Game habang corruption of public official naman ang isasampang kaso kay Golpo.
Paliwanag ni Golpo, pang-kape lang ang libo-libong salapi na ini-aabot niya sa pulis at wala siyang sinasabi na palayain yung naarestong tauhan niya.