Patuloy na pinagtutuunan ng pansin ang pangangalaga sa yamang-dagat sa lungsod ng San Fernando, La Union, kasabay ng pagpapaunlad ng responsableng dive tourism.
Sa isang pagpupulong, tinalakay ng Philippine Commission on Sports SCUBA Diving at ng lokal na pamahalaan ang pagpapalakas ng Marine Protected Areas (MPAs) upang masiguro ang kaligtasan ng mga divers at ang pangmatagalang pagpapanatili ng mga likas na yaman.
Binanggit din ang kahalagahan ng baseline data sa bawat dive site upang mas maayos ang pamamahala at maiwasan ang pagkasira ng korales at iba pang marine ecosystem. Tampok sa talakayan ang mga aktibidad ng dive tourism sa lungsod, kabilang ang recreational scuba diving, underwater photography, coral reef exploration, at educational tours para sa mga estudyante at turista.
Layunin ng naturang turismo na magbigay ng kakaibang karanasan sa mga bisita habang pinapahalagahan ang kalikasan upang mailatag ang lungsod bilang ligtas, maayos, at balanseng destinasyon para sa diving.
Kasama rin sa plano ang pagbibigay ng technical support at training sa mga dive operators upang masiguro ang pagsunod sa mga pamantayan ng Quality, Health & Safety, at Environmental Protection (QHSE).
Inaasahang magdadala ng mas maraming turista sa lungsod at sabay na mapapanatili ang karagatan para sa mga susunod na henerasyon, ng isinusulong na responsableng dive tourism sa lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









