Manila, Philippines – Kasabay ng kanyang unang taon sa Malakanyang, binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga patuloy na bumabatikos sa kanyang administrasyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya maintindihan ang ipinaglalaban ng kanyang mga kritiko lalo na ng United Nations at European Union.
Iginigiit kasi ng mga ito na bigo si Pangulong Duterte sa kanyang unang taon sa tungkulin dahil sa dami ng mga namatay bunsod ng war on drugs.
Kaya naman ayon kay PDEA Director General Isidro Lapeña para lalong mapalakas ang kampanya ng Duterte administration laban sa iligal na droga – pinirmahan ng mga opisyal ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front ang isang kasunduan.
May kinalaman ito aniya sa pagtutulungan nila sa anti-drug operations sa MILF communities.
Sabi naman ni Atty. Abdul Dataya, chairman ng MILF-Ahjag, sa ilalim ng kasunduan, tutulungan nila ang pamahalaan na tugisin ang drug suspects sa mga lugar na kontrolado nila sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Puna naman ng ilang analysts, sa sobrang pagtutok ni Pangulong Duterte sa kampanya kontra iligal na droga sa una nitong taon ay nakalimutan na niya ang banta ng terorismo.
Pero depensa naman ng Malakanyang, isa’t kalahating buwan pa lang sa puwesto ang Pangulo ay nagbabala na ito ukol sa problema sa ISIS.