Bumiyahe na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa kanyang kauna-unahang inaugural state visit sa Indonesia at Singapore.
Sa kanyang departure speech sa Ninoy Aquino Internationa Airport (NAIA) kaninang umaga, sinabi ng Pangulo na layon ng kanyang pagbisita na palakasin ang alyansa at pakikipagtulungan ng bansa na mahalaga para mabangon ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.
Unang bibisitahin ni Pangulong Marcos ang Indonesia kung saan makikipagpulong siya kay President Joko Widodo upang talakayin ang kasalukuyang estado at ang magiging estado sa hinaharap ng bilateral relationship ng dalawang bansa.
Nakatakda rin silang lumagda sa mga kasunduang may kaugnayan sa defense and security, creative economy at culture.
Umaasa naman ang Pangulo na mahihikayat niya ang mga Indonesian na mag-invest sa agriculture at energy sector ng Pilipinas.
Samantala, nakatakda ring makipagpulong ang Pangulo kina President Halima Yacob at Prime Minister Lee Hsien Loong sa pagbisita niya sa Singapore upang palalimin pa ang bilateral relations ng dalawang bansa at talakayin ang mga regional at global issues.
Umaasa naman ang Pangulo na makapag-uuwi siya ng maraming business deals na magpapalakas pang lalo sa economic ties ng Pilipinas sa Indonesia at Singapore.
“My state visits to our ASEAN neighbors will seek to harness the potential of our vibrant trade and investment relations. As such, an economic briefing, business forums and meetings have been organized to proactively create and attract more investments and buyers for our exports, in order to accelerate the post-pandemic growth of our economy,” paliwanag ni Pangulong Marcos.
“I expect that we will be coming back with a harvest of business deals to be signed in my state visits that will further our economic ties with both Indonesia and Singapore,” dagdag niya.
Tatagal ang state visit ni Pangulong Marcos sa Indonesia hanggang September 6 na susundan ng pagbisita niya sa Singapore mula September 6 hanggang 7.