PAGKAGUTOM, KUMPIRMADONG SANHI NG PAGKAMATAY NG 8 NPA SA MACONACON, ISABELA

Cauayan City, Isabela- Kumpirmadong namatay dahil sa gutom ang walong bangkay na miyembro ng Communists Terrorist Group na nahukay sa Brgy Canadam, Maconacon, Isabela noong ika-5 ng Hulyo, 2022.
Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), lumabas umano sa resulta ng autopsy na isinagawa ni PLTCol Elizardo D Dailed, Medico-Legal Officer ng Santiago City Forensic Unit sa Maconacon Public Cemetery noong ika-9 ng Agosto na ang sanhi ng pagkamatay ng walong NPA ay ang pagkagutom dahil sa manipis at sobrang payat ng kanilang muscle.

Wala rin nakitang senyales ng matinding injury, fracture o gunshot wound sa katawan ng mga nahukay na bangkay.

Ang mga naturang bangkay ay nakilalang sina Alyas Monmon, Marco, Bryan, Eloy, Bambo, Rigid, Dondon at Brad kung saan ang dalawa rito ay dati nang tinutugis ng awtoridad dahil sa dami ng bilang ng krimeng nagawa.

Ang pagkakarekober sa walong bangkay ay dahil sa tulong ng mga dating rebelde na sumuko sa kasundaluhan na nakabase sa bayan ng Maconacon, Isabela na siyang nakakakilala sa mga ito.

Naging matagumpay ang pagkuha sa mga bangkay dahil sa pinagsanib na pwersa ng Maconacon PS, PIU, IPPO; 1st IPMFC; 201st MC- RMFB 2; 52MICO at 95IB, PA at 5CMOB.

Facebook Comments